Buod
Ang mitral valve prolapse ay isang uri ng sakit na umaapekto sa bahagi ng pusong tinatawag na mitral valve. Ito ay ang bahagi na matatagpuan sa pagitan ng kaliwang mga kalamnan ng puso, partikular na ang left atrium at left ventricle.
Kung susuriin ang mitral valve, binubuo ito ng dalawang mga leaflet na maihahalintulad sa isang swing-type na pinto. Sa tuwing lalabas o papasok ang dugo sa left atrium at left ventricle, ang mga leaflet ay magsasara upang hindi masobrahan ang pagdaloy ng dugo.
Subalit, kapag ang mga leaflet ng mitral valve ay umumbok sa bahagi ng left atrium, magkakaroon ng problemang tinatawag na mitral valve prolapse. Dito, ang dalawang mga leaflet na dapat ay nasa pagitan lamang ng left atrium at left ventricle ay napapunta na sa left atrium lang. Ang itsura ng umumbok o nag-prolapse na mitral valve ay tila parang isang lobo o parachute.
Kapag nagkaroon ng mitral valve prolapse, ang pasyente ay maaaring makaranas ng pagkahilo, madaling pagkapagod, kinakapos na paghinga, mabilis na pagtibok ng puso, at matinding pananakit ng dibdib. At kapag pinakinggan ang tibok ng puso gamit ang stethoscope, makaririnig ang doktor ng tinatawag na “click murmur.” Ang tunog ng click murmur ay ang tila parang mabilis na pagpaltik ng isang tuwalya sa loob ng puso.
Hindi pa lubusang malaman ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mitral valve prolapse. Subalit, pinaniniwalaan ng mga doktor na may kinalaman ang mga gene ng pamilya at ibang mga sakit gaya ng scoliosis at connective tissue disorder.
Ayon sa mga doktor, kadalasan, ang mitral valve prolapse ay hindi isang delikadong kondisyon. Maraming mga tao ang may ganitong sakit lingid sa kanilang kaalaman, at hindi kailanman nakararamdam ng anumang mga sintomas.
Subalit, kung ang pasyente ay nakararanas ng mga sintomas gaya ng nabanggit, maaaring magbigay ang doktor ng medikasyon upang maibsan ang mga nararamdamng sintomas na ito. Sa kaso naman ng malalang mitral valve prolapse, o kapag may kasama itong mitral regurgitation o pagbalik ng dugo sa left atrium, ang pasyente ay posibleng isailalim sa pagtitistis.
Kasaysayan
Ang kondisyon na mitral valve prolapse ay unang inilahad ni Dr. John Brereton Barlow noong 1966. Si Dr. Barlow ay isang South African cardiologist na nag-aral tungkol sa iba’t ibang uri ng mga sakit sa puso. Noon, ang mitral valve prolapse ay kilala pa sa tawag na Barlow’s syndrome. Ayon kay Dr. Barlow, nagkakaroon ng Barlow’s syndrome dahil sa pag-umbok ng mitral valve.
Noong siya ay isang medical intern pa lamang at nagsisilbing senior house officer at medical registrar sa ilang ospital, nagkaroon siya ng interes na pag-aralan at pakinggan ang iba’t ibang tunog ng puso gaya ng non-ejection click. Pinag-aralan ito ni Dr. Barlow sa isang cadaver o bangkay na may non-ejection click noong ito’y nabubuhay pa.
Nadiskubre ni Dr. Barlow na ang puso ng bangkay, partikular na ang mitral valve ay may fibrosis na naganap. Ang fibrosis ay ang pagkakaroon ng sobrang tissue o laman sa anumang bahagi ng katawan. Dahil dito, napag-alaman ni Dr. Barlow na ang tunog na non-ejection click ay dulot ng mitral valve na mayroong problema.
Subalit, ang pagkatuklas nito ay nagdulot lamang ng kontrobersya. Hindi ito nagawang tanggapin agad ng kanyang mga kasamahan sa larangan ng cardiology sapagkat ang buong pagkakaalam nila, ang non-ejection click ay tunog na nangyayari lamang sa labas ng puso at hindi sa loob nito na gaya ng sinasabi ni Dr. Barlow. Kaya naman, ang lahat ng mga isinulat ni Dr. Barlow tungkol sa Barlow’s syndrome ay hindi agad tinanggap ng mga publikasyon na pang-medisina.
Pero isang kaibigan na sub-editor ang nanghikayat sa kanya na gumawa ng mas maikling bersyon ng kanyang isinulat at isumite ito sa Maryland State Medical Journal. Dahil sa ginawa niyang ito, unti-unting kinilala ang kanyang pananaliksik at pagkatapos ay isinumite naman niya ito sa American Heart Journal. Magmula nang tinanggap ang kanyang mga isinulat sa mga publikasyon, naging kilala si Dr. Barlow sa larangan ng cardiology.
Kalaunan, ang Barlow’s syndrome ay tinawag na mitral valve prolapse pero ang pagbibigay ng terminong ito ay iginawad kay John Michael Criley, isang propesor sa University of California.
Mga Sanhi
Hindi pa lubusang malaman kung ano talaga ang sanhi ng mitral valve prolapse. Pero ayon sa mga dalubhasa, posibleng ang mga sanhi ng kondisyon na ito ay ang sumusunod:
- Genes ng pamilya. Malaki ang posibilidad na mamana ang mitral valve prolapse sa pamilya. Ayon sa pag-aaral, ang gene na DCHS1 ay posibleng may kinalaman kung bakit nagkakaroon ng pag-umbok ng mitral valve. Kapag nagkaroon ng mutation o pagbabago ang gene na ito, ang mga leaflet ng mitral valve ay kakapal, hahaba, at magmimistulang mukhang parachute sa left atrium ng puso.
- Scoliosis. Ang scoliosis ay isang uri ng sakit sa buto kung saan ang likod ay kumukurba gaya ng sa titik na S. Ayon sa pag-aaral, ang mitral valve prolapse ay apat na beses na mas laganap sa mga taong may malalang scoliosis.
- Connective tissue disorder. Kung may connective tissue disorder gaya ng Marfan syndrome, Ehlers-Danlos syndrome, at osteogenesis imperfecta, maaari ring magkaroon ng mitral valve prolapse. Ito ay dahil sa mga sakit na ito, kadalasang may problema ang musculoskeletal at cardiovascular na bahagi ng katawan.
Mga Sintomas
Image Source: www.medicalnewstoday.com
Karamihan sa mga taong may mitral valve prolapse ay hindi nakararanas ng anumang sintomas. Subalit, masasabing tiyak na may mitral valve prolapse ang isang tao kapag siya ay nakararamdam ng mga sumusunod:
- Pagkahilo
- Madaling pagkapagod
- Kinakapos na paghinga
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Matinding pananakit ng dibdib
- Pagkakaroon ng “click” na tunog sa dibdib kapag pinakinggan ng stethoscope
Ang mga sintomas na nabanggit ay karaniwang nararanasan sapagkat ang mitral valve ay hindi nagagawang pangasiwaan nang maayos ang pagdaloy ng dugo sa puso. Kung mayroong prolema ang mitral valve, ang iba’t ibang bahagi ng katawan ay maaaring hindi madalhan ng sapat na dugo, oxygen, at nutrisyon.
Mga Salik
Maaaring tumaas ang posibilidad na magkaroon ng mitral valve prolapse ang isang tao batay sa mga sumusunod na salik:
- Kasaysayan ng mitral valve prolapse sa pamilya. Kung ang tao ay mayroong kamag-anak na nagkaroon na ng sakit na ito, mas mataas ang posibilidad na magkaroon din siya nito.
- Pagkakaroon ng scoliosis. Gaya ng nabanggit noong una, ang malalang kaso ng scoliosis ay maaaring magpatas ng panganib na magkaroon ng mitral valve prolapse.
- Pagiging babae. Base sa pananaliksik, ang mga kababaihan ang mas madalas na maapektuhan ng mitral valve prolapse kaysa sa mga kalalakihan. Ito ay dahil sila rin ay ms karaniwang naaapektuhan ng sakit na scoliosis.
- Pagkakaroon ng adult polycystic kidney disease. Ang adult polycystic kidney disease ay ang pagkakaroon ng malalaking mga bukol sa mga bato (kidney) ng katawan. Minsan, naaapektuhan nito hindi lamang ang mga bato, ngunit pati na rin ang puso.
- Pagkakaroon ng isang connective tissue disorder. Ang pagkakaroong ng isang connective tissue disorder ay maaari ring maka-apekto sa puso. Tinatawag itong “connective” sapagkat ang anumang bahagi ng katawan na dapat magkadikit ay nagkakaroon ng sakit o pinsala. Dagdag dito, ang mga sakit na ito ay maaari ring kumalat sa iba pang mga bahagi ng katawan. Ilan lamang sa mga connective tissue disorder na nakapagdudulot ng mitral valve prolapse ay ang Marfan syndrome, Ehlers-Danlos syndrome, at osteogenesis imperfecta.
Pag-Iwas
Image Source: classpass.com
Ang isang tao ay maaaring ipanganak na may mitral valve prolapse. Maaari ring magkaroon nito habang tumatanda. Subalit, upang maka-iwas sa anumang uri ng sakit sa puso, iminumungkahi na gawin ang mga sumusunod:
- Ugaliing kumain ng masusustansyang mga pagkain. Upang mapanatiling malusog ang puso, mainam na kumain ng mga pagkaing mayaman sa omega-3 gaya ng salmon, tuna, at mackerel. Maigi rin para sa puso ang mga pagkaing mayaman sa mga phytonutrient at fiber gaya ng mani, mga berry, whole wheat na tinapay, at iba pa.
- Panatilihin ang tamang timbang. Ang pagkakaroon ng tamang timbang ay nakatutulong upang hindi mahirapan ang puso sa paghahatid ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kapag lumaki o tumaba kasi ang pangangatawan, mapipilitan ang puso na magtrabaho nang higit pa sa kaya nito—na nagdudulot naman ng iba’t ibang mga karamdaman sa puso.
- Mag-ehersisyo. Ang pag-eehersisyo ay makatutulong upang mapanatiling maayos ang sirkulasyon ng dugo sa katawan. Nakatutulong din ito upang matunaw ang mga sobrang taba nito na maaaring magdulot ng pagbabara sa mga daluyan ng dugo at ugat ng puso.
- Iwasan o itigil ang paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay nakasasama sa puso sapagkat ito ay may nicotine at iba pang mga nakalalasong sangkap. Maaari nitong palaputin at pagkumpul-kumpulin ang dugo at magdulot ng pagbabara sa mga daluyan ng dugo at ugat ng puso.
- Bawasan ang pag-inom ng alak. Ang pag-inom ng alak ay nakapagpapataas ng presyon ng dugo. Dagdag dito, ang labis na pag-inom nito ay nakapagdudulot din ng paninigas at panghihina ng puso.
Kapag natukoy na ikaw ay mayroong mitral valve prolapse, hindi dapat mabahala. Ito ay kadalasang hindi mapanganib na kondisyon, lalo na kung maaagapan. Bukod dito, may mga mabibisang gamot na maaaring ireseta upang maibsan ang mga sintomas nito. Alalahanin lamang na mas nakabubuting humingi muna ng payo mula sa isang doktor bago uminom ng mga gamot.
Sanggunian
- https://kidshealth.org/en/parents/mvp.html
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/mitral-valve-prolapse/multimedia/mitral-valve-prolapse/img-20008259
- https://www.heart.org/en/health-topics/heart-valve-problems-and-disease/heart-valve-problems-and-causes/problem-mitral-valve-prolapse
- https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/mitral-valve-prolapse/
- https://www.webmd.com/heart/mitral-valve-prolapse-symptoms-causes-and-treatment
- https://www.medicinenet.com/mitral_valve_prolapse/article.htm
- https://www.healthline.com/health/mitral-valve-disease#causes
- https://en.wikipedia.org/wiki/Mitral_valve_prolapse
- https://en.wikipedia.org/wiki/John_Brereton_Barlow
- https://en.wikipedia.org/wiki/J._Michael_Criley
- https://hms.harvard.edu/news/gene-mitral-valve-prolapse
- https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/9326688
- https://rarediseases.org/rare-diseases/mitral-valve-prolapse-syndrome/
- https://www.healthline.com/health/mitral-valve-prolapse#risk-factors
- https://www.thehearthospitalbaylor.com/Pages/Mitral-Valve-Prolapse-Management.aspx